Dec 13, 2009

Sumasampalataya Ako...

Ang "Sumasampalataya" ang buod ng ating paniniwalang mga Katoliko. Kaya bilang mga Katoliko, napakahalagang hindi lamang natin ito isinasaul kundi isinasapuso. Dito iikot ang ating pag-aaral, sa mga salitang...
"Sumasampalataya ako sa Diyos Amang makapangyarihan sa lahat na may gawa ng langit at lupa.
Sumapalataya ako kay Jesu-Kristo iisang Anak ng Diyos, Panginoon nating lahat. Nagkatawang-tao Siya lalang ng Espiritu Santo, ipinanganak ni Santa Mariang Birhen, pinagpakasakit ni Poncio Pilato, ipinako sa krus namatay, inilibing, nanaog sa kinaroroonan ng mga yumao, nang may ikatlong araw nabuhay na mag-uli, umakyat sa langit, naluluklok sa kanan ng Diyos Amang makapangyarihan sa lahat, doon magmumulang paririto at huhukom sa nangabubuhay at nangamatay na tao.
Sumasampalataya naman ako sa Diyos Espiritu Santo, sa Banal na Simbahang Katolika, sa kasamahan ng mga Banal, sa kapatawaran ng mga kasalanan, sa pagkabuhay na mag-uli ng nangamatay na tao at sa buhay na walang hanggan. Amen"
Ito ang Kredo (Creed), ang ating pananampalataya na ating ipinapahayag bilang isang bayang nagkakatipon sa Ngalan ni Kristong ating Panginoon.

Dec 11, 2009

Panimula

Sa iyo na nagbabasa nito, manahan nawa sa iyo at sa iyong mga mahal sa buhay ang kapayapaan ng ating Panginoong Jesu-Kristo, ang pag-ibig ng Diyos Ama at ang pakikipag-isa ng Espiritu Santo.
Nakalulungkot isipin na parami na nang parami ang mga Katolikong nagtatakwil sa kanilang pananampalatayang Katoliko at yumayakap ng ibang ebanghelyo. Naniniwala ako na ang dahillan ng mga ganitong pangyayari ay ang kakulangan nila ng lubos na kaalaman at pagkaunawa sa kanilang paniniwala.
Kaya nga, bilang isang binyagan at nakumpilang Katoliko, obligasyon ko sa Diyos at sa aking kapwa na ipahayag ang katotohanan, ang pananampalatayang Katoliko na galing sa mga Apostol. Tulungan nawa ako ng ating Panginoong Jesu-Kristo sa gawaing ito.
Gaya nga ng nasabi ko na, napakaraming Katoliko ang nahihikayat sumapi sa ibang sekta ng pananampalataya. Marahil, ang unang hakbang na ginawa para pahinain ang kanilang pananampalataya ay ang pagtatanong ng mga pangkaraniwang tanong mula sa ating mga pananampalataya at ginagawa bilang mga Katoliko. Ilang halibawa ng mga tanong na iyan ay, "Bakit kayo sumasamba sa mga santo at kay Maria?", "Bakit ninyo tinatawag na 'father' ang mga pari?", "Bakit kayo nagkukumpisal sa pari?", "Bakit paulit-ulit kayo kung manalangin ng rosaryo?" at marami pang mga katulad na tanong. Pagkatapos, babasahan ng talata sa Bibliya at mamanipulahin ng kanilang mga pilosopiya na siyang magiging dahilan ng pagkalito ng isang Katoliko.
Pipilitin po nating sagutin ang mga maling bintang sa ating mga Katoliko at ang mga erehiyang ipinakakalat ng ibang sekta ng pananampalataya sa abot po ng aking makakaya. Isa-isa po nating sasagutin at pag-aaralan ang kanilang mga tanong. Ang gawain pong ito ay hindi lamang para sa ating mga Katoliko kundi lalo't higit para sa mga taong nliligaw ng pananampalataya.
Ang panalanging bulong ko sa Kamahal-mahalang Puso ni Hesus at Kalinis-linisang Puso ni Maria ay nawa, ang liwanag ng Banal na Espiritu at ang pagkakandili ng Diyos Ama ang gumabay sa atin tungo sa katotohanan at sa buhay na walang hanggan. AMEN.